Paano ba Mag-Enjoy Manood ng Dub?

8/31/2016
Pero yung totoo, may binabagayan na dub ang honorifics.
(Dahil Buwan ng Wika ang Agosto, gusto ko pag-usapan ang pagiging available ng anime sa iba't ibang wika: ang anime dub. At ang post na ito ay mababasa sa Filipino at Ingles.)

Para sa katulad ko na nakilala ang anime sa pamamagitan ng mga dub na inere sa TV, hindi mahirap sa akin na manood pa rin ng dubbed anime sa panahong ito ng mga libre at hindi libre na legal stream, bukod pa sa 24-hour TV channel ng English-subbed anime. Pero hindi lang ’yan dahil sa nostalgia o dahil nakasanayan ko na na sumubaybay sa anime araw-araw, ha! (Sa katunayan, nagkaroon din ako ng "SUBS ONLY, DUBS SUX" phase.) Sa pagdaan kasi ng panahon, natutunan kong mag-appreciate ng anime sa anumang wika na kaya ko silang intindihin. At ang mga susunod ay ang mga inaalala ko para magawa ’yon.


Animation pa rin naman iyan

Dahil hindi ako fluent sa Japanese, hindi ko kayang manood ng anime ng walang subtitle. Kaya palipat-lipat ang mata ko mula eksena papuntang subs. Kung hindi ko kailangan ng subtitle, makakapag-focus ako sa mismong animation at mas madaling mapapansin ang kakaibang color palette, o choreography, o storyboarding sa isang eksena nang hindi kailang i-replay ito.

Pero hindi ibig sabihin nito ang pagbalewala sa Japanese voice acting, ha! Katunayan ay fan ako ng ilang seiyuu at sinusubaybayan ang kanilang mga proyekto. Sa panonood ng dub, dadami pa nga ang mga voice actor na mafa-fanboy/fangirl mo, depende sa dami ng wikang alam mo.

Universal ang art ng voice acting

Unahin na natin ’to: hindi ka mag-eenjoy kung nanonood ka ng dubbed anime para lang ikumpara ang pagkakaiba ng orihinal at bagong boses. Malamang sa malamang, magkaiba ang tunog nila.

Hindi ko alam kung ano ang kalakaran sa ibang bansa, pero dito sa Pilipinas, madalas binabase ng mga casting direktor ang dub voice base sa itsura at personalidad ng karakter, hindi sa tunog ng Japanese seiyuu. (Kung suswertehin, maka-cast ang isang magaling na voice actor na tugmang-tugma sa boses ng orihinal na seiyuu. Halimbawa na lang, si Haruka Nanase sa Japanese at Filipino dub ng Free! at Free!: Eternal Summer.)

Tumungo naman tayo sa mismong voice acting.

Magkaibang-magkaiba ang industriya nito ng Japan at Pilipinas. Sa Japan, malaki at established ito--may 130 voice acting schools sila at napakaraming seiyuu agency. Samantalang sa Pilipinas, kaunti ang paraan para makakuha ng specialized voice acting training: maaaring sa isang eight-week workshop, sa isang talent search (na sa kasamaang palad ay may age limit), o sa ibang industriya na may voice work (radyo, teatro, telebisyon).

Sa kabila ng kakulangang ito, talentado naman ang mga underrated voice actor ng Pilipinas. Kung makikinig ka nga ng mga anime dub mula sa 1990s, walang-wala ang Western dubs kumpara sa dubs dito. Flat at kulang sa emosyon ang mga lumang English dub, at di kuha ang mga Japanese pronunciation. Pero nag-improve na sila ngayon ha!

(Di ko rin naman sinasabi na perpekto ang mga Filipino anime dub. Kahit sa panahon ngayon makakarinig ka ng mga inconsistent na stress, pronunciation, at silent letters pagdating sa mga pangalang Japanese. Magtataka ka na lang kung bakit, eh ngayon pa namang may internet na, ang daling i-search ng tama.)

Ang ikinaganda naman ng voice acting, hindi ito limitado ng wika. Kung magaling ang aktor, nandoon pa rin ang emosyon kahit Japanese, Filipino, o English pa ang gamit niya. May mga beses pa nga na maiiyak ka sa katatawa o sa lungkot dahil ang ganda ng delivery ng comedic o dramatic scene, kahit na napanood mo na ang orihinal (at hindi ka naman naiyak nung first time!).

Nakakalungkot lang na sa panahon ngayon, madalas uncredited na ang mga voice actor ng anime.

Localization, o ang ganda sa pagkakaiba

Kung binabasa mo ito at bilingual ka, alam mo na hindi perpekto ang translation: may mawawala at mawawala 'pag nagsalin ka mula sa isang wika papunta sa isa pa. At please, walang may gusto ng literal, word-for-word translations. Iba rin ang resulta ng pagsalin ko sa pagsalin mo dahil iba-iba tayo ng mga pinagdaanan sa buhay, na nakakaapekto sa pag-express natin ng ating mga sarili.

Kaya para sa kin, nag-fofocus na lang ako sa mga pagkakaibang iyon. Yung bang, "Ang ganda naman ng line na 'to sa Japanese," o kaya naman "Uy ang ganda rin nito pakinggan sa English!" o marahil "Teka, mas bagay ata ito sa Filipino." Hindi ako sang-ayon sa paniniwalang sinisira ng translation ang original work, kasi hindi talaga. Pwede namang magkaroon sabay-sabay ng iba't ibang version, na may kanya-kanyang kalakasan at kahinaan! Naroon pa rin naman ang original Japanese version--hindi ito mawawala pagka't may dub na--kung hindi mo natipuhan ang localization.

(At tingin niyo ba nalulungkot ang mga author at iba pang creator kapag nasalin sa isa na namang wika ang kanilang mga likha? Ibig sabihin lang noon ay mas maraming makaka-enjoy ng gawa nila! Kung artist o manunulat ka, hindi pa ang sarap pakinggan kapag ang gawa mo ay "published in X languages, available in X countries"?)

Mabalik tayo sa localization. Sa experience ko, gusto ko ang mga dub na tamang-tama lang: hindi sobra ang pakaka-localize (halimbawa: ang US dub ng Free!: Eternal Summer) at hindi striktong nanatili sa pagkaka-Japanese. Oo, ang wika at kultura ay hindi pwedeng paghiwalayin. Oo, may mawawala (na mensahe, na kultura) kapag nagsalin ka. Pero hindi ba't sa puwang na iiwan nito ay pwedeng pumasok ang bagong mensahe (kultura)? Ang puntong 'yon na tamang timpla ng Japanese at Filipino ang patok na patok sa akin. (At haba't wala pa tayong mainstream Filipino animation na hindi pambata, sa dubbed anime na lang muna ako.)

Sa susunod na mga halimbawa ng mga dub na nagustuhan ko, gamitin natin ang localization scale na ito: 0 para sa "strictly Japanese" hanggang 10 para sa "sobrang localized." Para sa tatlong sports anime, ilalagay ko sa 5 ang Filipino dub ng Haikyuu!!, 7 ang Kuroko's Basketball, at 9 ang Yowamushi Pedal. Hirap ako panoorin muli ang dub ng Yowamushi Pedal dahil sa striktong Tagalog na pagkakasalin ng mga linya dito, na sa totoo lang ay hindi realistic kung babasehan ang setting ng anime at personalidad ng mga karakter. Masaya panoorin ang Kuroko's Basketball kung Pinoy humor at basketball ang hanap mo, pero nahihirapan na ako ulitin ang dub ng S1 mula noong 2013 dahil nawawala na ang dating na ang mga hirit at meme dito (nakakatawa sila noon, hindi na masyado ngayon. At tatlong taon pa lang ang dub na ito, kung tutuusin). Sa Haikyuu!! naman, ikalimang panood ko na yata ng dub at hindi pa rin ako nagsasawa. Isang rason niyan ay dahil balanse ang nanatili mula sa Japanese (halimbawa, ilang honorifics) at ang nanggaling sa Filipino (sawa na ba ako sa "Ang landi-landi mo, Oikawa?" Hindi pa.)

Mas mag-eenjoy ka manood ng mga dub kung tatangkilikin mo ang mga pagkakaibang ito.

Pagsuporta sa anime sa tamang paraan

Magkano ba ang cable bill ninyo? Sa akin ay P400 kada buwan para sa 60+ channels na kasama ang Hero at Animax. Halos P7 kada channel lang 'yan, mani kumpara sa libo-libong dolyar na licensing fees na binabayaran ng mga broadcaster para makapanood tayo ng anime--di pa kasama riyan ang presyo ng translation at dubbing! Kapag nanood ka ng dubbed anime mapa-TV, cable, o TV box, opisyal mong sinusportahan ang anime (nang halos libre!).

Suportahan ang anime sa tamang paraan, at makakapanood tayo ng mas marami pang bagong anime.


Iyan ang mga bagay na nakakatulong sa akin mag-enjoy ng dub. Ikaw, paano ka mag-appreciate ng dubbed anime?

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento

Back to Top